Bala at buhay!
Disyembre buwan ng kapanakan ng ating mahal na panginoong si Kristo. Buwan ng kasiyahan at kagalakan, at ang damdamin ng bawat isa ay masaya sa oras na ito. Pero pano kung isang pangyayari na tulad ng pagkitil sa buhay ng iyong minamahal ay nangyari sa buwan na ito, ano pa ang mararamdaman mo?
Isang nakakagulat na pangyayari ang naganap noong Disyembre 20 bandang ala una ng umaga (madaling araw) ang gumising sa akin at iba pang kasambahay at kapitbahay. Ang aking ina ay ginigising ako para sabihin na ang aming bunsong kapatid ay nabaril kasama ng dalawa pang kaibigan nito sa kalapit na lugar sa amin. Nagmadali akong gumising, sabi sa amin ay dumiretso na lang daw kami sa hospital kasi nandun na daw ang mga nabaril. Kaya kasama ng aking nakakatandang kapatid na lalaki, kami ay nagtungo papuntang hospital (UMC-LaSalle) upang malaman ang kalagayan ng aming kapatid at mga kasama nya. At doon nga, sa loob ng emergency room , hinanap ko kaagad ang aking kapatid upang malaman ang kalagayan nya at matanong kung ano ang nangyari, sa pagkakataong ito ay hindi pa namin alam kung san ang tama nya at ano ang lagay. Ngunit ng makita ko syang nasa ulirat naman ay nakahinga ako ng maluwag, may tama man sa ulo ay hindi naman daw delikado ito kasi hindi bumaon sa kanyang bungo ang bala.Ang isa nyang kasama ay may tama sa dibdib, at kailangan ng masusing paggagamot. Sa kabilang bahagi ng emergency room ay natanaw ko ang isa pang kasama nya. Walang buhay at kahit anong gawin pa ng mga doctor at nurse na nandoon ay wala na talaga silang magawa. Ilang minuto din nilang ginawan ng paraan upang masagip ang buhay ng isa sa mga biktima. Nanghina ako at nanginig sa aking nasaksihan, wala na, patay na ang isa sa mga kasama ng kapatid ko. Wala akong nagawa kundi itawag na lang sa Diyos ang mga pangyayari.
Ano ba talaga ang naganap ng oras na yun? Ito ang nasambit kong tanong sa aking kapatid, may tama man ng bala sa ulo, pero nakakapagkwento pa naman. At ito ang kanyang nasabi ng mga oras ng nasa emergency room sya. Bandang ala una ng madaling araw, nag iinuman sila ng dalawa pa nyang mga kaibigan, nang may grupo ng mga kalalakihan ang dumaan sa labas ng gate ng tindahan ng kanilang iniinuman, isang lalaki ang bumili ng sigarilyo, at ng iabot na ng tindero ang sigarilyo ay biglang may tatlong lalaki ang pumasok sa gate at bumunot ng baril. Palibhasa nakaharap sya sa gate ng tindahan ay nakita nya ito agad at nasambit na lang ang katagang "TAKBO" at ng pagtakbo nya, sya ang unang binaril at tinamaan sya sa ulo. Pumasok sya sa loob ng bahay ng may ari ng tinadahan, ngunit hinabol pa din sya, buti na lang at ng pangalawang putok sa kanya ng baril ay nakadapa sya at naisara ang pinto. Ngunit at dalawa nyang kaibigan ay naiwan sa labas. At dun nya na lang narinig ang mga sunod sunod na putok. At nagsisigaw na lamang ang tao sa tindahan ang pangalan ng isa naiwan sa labas. Makalipas ng ilang segundo ay natapos ang pamamaril at dun na lamang lumabas ang aking kapatid upang tingnan ang lagay ng dalawa nyang kasama. At pagbukas ng pinto ay nakita nya ang isa nyang kaibigan na naglalakad ngunit may tama sa kaliwang dibdib, ngunit napaluhod na lamang ito sa kanyang tapat at habang papunta sila sa isa pa nilang kasama na naririnig nilang naghahabol ng hininga. Ilan pang minuto ang nakalipas ay sa samang palad ang sasakyan na nakuha nila ay matagal mag start, hangang magdatingan pa ang ilan pang mga tao sa paligid at kahit ang ama ng lalaking naghihingalo ay inabutan pa nya ang kanyang anak na nakaratay at wala ng buhay. Noong ding oras na yun, nawalan na ng hininga ang isa sa mga magkakaibigan, habang ang dalawa naman ay may malubhang tama.
Ang malaking tanong na pinag iisipan ngayon ay kung sino ang may gawa ng ganitong karumaldumal na krimen. Para silang mga walang awa pumapatay, isang bala para sa isang buhay.
Sa buwan ng pagsasaya pano mo nga ba matatangap ang isang pangyayaring ganito? Lubhang masakit sa pamilya ng nawalan, habang ang mga kriminal na hangang ngayon ay hindi pa natutukoy ay maaaring nagsasaya na dahil sa kanilang nagawang kagustuhan. Ipinapasa Diyos na lang namin, kung sino man ang may kagagawan nito ay untigin sana kayo ng inyong kunsensya kung meron pang natitira sa inyo!

Hope your bro is better and all healed up ...
Posted by: hayley | July 3, 2007 09:08 AM